REALITY IS WRONG. DREAMS ARE FOREAL. v(-_-)v

REALITY IS WRONG. DREAMS ARE FOREAL. v(-_-)v

Tuesday, May 22, 2012

MR. DREAM IROG

MAY BAGO NA! OHLALA!
Romance Diaries 101

DISNEY SYNDROME:

Every girl dreams to be a princess. Every girl dreams for a happily ever after. Every girl dreams of a prince who's pogi, mayaman, and real. Every girl is such a dreamer. Because not every girl will have their dreams, their happy love story, their prince charming.

Hindi ko masisisi ang Disney kung bakit minsan nabiktima din ako ng syndrome na 'to. Kasi kahit papaano, ito yung nagbigay ng konting hibang sa akin. Konting high, konting 'ASA KA PA.' Kaya sa matagal-tagal na panahon, umaasa talaga ako, na mahuhumaling din ako, na magiging prinsesa din ako (kahit di na literal), na mahahanap ko din ang prinsepe ko kuno, in his 4x4 SUV na kulay black, yip, shining, shimmering, splen--asteg!

At bilang biologically babae ako, kumbaga sa pasko, may mga inaasam at hinihiling din naman ako pagdating sa magiging partner irog ko. Oo, lahat ng babae may mga standards, at oo malamang sa malamang, iba-iba ang mga tipo ng mga yan. Kung lalake ka at binabasa mo ang blog na ito ngayon, pwede mo nang itigil simula sa punto na 'to.
_________________________________________________________________

Uuuy. Tinuloy nya ang pagbabasa. Sige ka, ikaw rin. Usisero ka. :>

Dream boy diaries 101.
Hindi ko alam kung nagkakataon pero karamihan sa mga natitipuhan ko ay ang mukhang bata/totoy/bunso material. At hindi ko alam kung bakit kinikilabutan ako sa mga machong lalake, kalbo, bigotilyo, balbas sarado. Pero pogi points naman kung mala-musikero ang aura, at may mahabang buhok, yung sumusunod sa galaw at instant ayos.
Reality bites 101.
Awa ni kupido, pasok naman sa mga standards ko pagdating sa lalake ang una kong irog...
Broken Dreams 101.
...at pasok din sa record ko sa aking unang palyang relasyon.
Reality VS. Dreams 666.
Nagdilim ang paningin ko sa konting panahon, at medyo lumamig ang puso ko, at kumapal ang kalyo ko sa paa. Sinisi ko ang Disney. Sinisi ko ang Video Rental City na nagpaparenta ng Disney movies. Sinisi ko ang sarili ko. Sinisi ko ang mga lalaki. Sinisi ko ang mga manloloko. Sinisi ko ang mga dj na patuloy na nagpapatugtog ng love songs sa radyo. Sinisi ko ang pagkakaroon ko ng tiwala sa kapwa.

Suma-tutal, naging irrational akong tao. At naging biktima ako ng sarili kong mga takot.

***
Bawat babaeng may trust issues, may kwento yan. Bawat babaeng praning sa relasyon, may pinagdaanan yan. Bawat babaeng yan, hirap magtiwalang muli. Bawat babaeng yan, sumusugal sa bawat panibagong relasyon. Bawat babaeng yan, sarili mismo ang kalaban. Bawat babaeng yan, hindi manhid. Dahil bawat babaeng nagdaan sa ganyan, pinipilit magbago, at umasa, kahit mas malaki ang pangamba na mabigo o matalo.

***
Pros and cons lang ang napala ko sa bigong relasyon. Bumaba yung porsyento sa mga pantasya ko sa pag-ibig, at tumaas lang ang porsyento sa pagiging matigas at maton ko. Hanggang sa naging mailap na ako sa mga lalaki. Kahit naman kasi papaano e, may nagtatangka paring manligaw sakin. Hindi ko alam kung nang-aasar lang sila o sadyang may sayad. Kasi pepwede naman nila akong tantanan na lang, at sasaya kami pareho sa ganung paraan. At nagsimula na ang pagiging salbahe ko sa kanila, sa pagbabasted sa kanila, at sa, hindi ko naman intensyon, pag-papaasa sa kanila.

Pero may isang tao talaga na nakalaan siguro para sayo. Yung taong magsisilbing karma mo.

Makwento ko lang sayo, may isang lalaki (ganyan ko talaga sya ituring) na nagtyagang umaligid, at mabasted ng halos 3 beses. Sa mga nakapagbasa na ng mga prequel kong kwento, may kwento pa kayo na hindi pa nalalaman. At hindi ko alam kung bakit ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob ikwento ito.

***
Itago na lang natin siya sa pangalang Echis, si Echis ang masugid kong taga-stalk sa isang social networking site. 

September nang nakilala ko si Echis pero hindi sa personal, kasi hindi naman pa uso ang eyeball noon. At hindi rin ako interesado. Oo, maarte ako. At oo, mayabang ako. At napilitan lang naman akong makipagtagpo sa kanya dahil may isa akong bagay na kelangan sa kanya, ang magpagawa ng isang floor plan. Oo, opportunista ako.

October ako nakipagtagpo sa kanya kasi me kelangan ako sa kanya, at tawag lang iyon ng pangangailangan. No spark. No love at first sight (Pwede ba?). Nothing. At inaasahan ko na ang pagtatapos ng aming munting relasyon. I got what I want from you, kaya, babay! Nice meeting you! 

November nang gumawa ng pakulo si Echis gaya ng pagbibigay sakin ng isang tangkay ng rosas, isa-isa ng aking mga kasamahan sa bahay, at sya dala-dala ang isang bouquet ng mga bulaklak, at ako nakatulala at sinabing "Gago, ano'ng pakulo ito?"
Ano ang sagot na napala ko? Ang nahihiya nyang pag-amin na gusto nya na ako. At ang paglapastangan nyang pagtatanong ng 
"Pwede na ba'ng maging tayo?"
"Ayoko."

Fast forward na sa December at nagpatuloy parin siya sa kahibangan nya at dinayo nya pa ang probinsya ko. Pa-impress, brothas. At saka ulit tinanong ang lapastangan na tanong ng siglo
"Pwede na ba'ng maging tayo?"
"Hindi. Ayoko." Striiiiike 2.

Happy new year January at alam kong delikado na ang sitwasyon namin. Buwan buwan nya na akong may follow-up question. At tanging hiling ko lang ay nawa magsawa na sya sa kakatanong nya, kasi hindi ko din alam ang kelangan kong sabihin para tumigil na sya.

January 4, 2010; 09PM
Dapitan cor. Asturias St.

Nakaugalian ko na syang ihatid sa sakayan ng jeep hanggang sa bigla na naman syang tinopak para itanong ang kasumpa-sumpang tanong.

Echis: "Pwede na ba'ng maging tayo?"
Ako: "Ayoko."
Echis: "Bakit ba ayaw mo pang maging tayo?"
Ako:  *tahimik; waley lang*
Echis: "Usap nga muna tayo."  *Sabay hila saking kamay, at napadpad kami sa Wendy's; sa may 2nd floor.

*order ng dalawang sundae at, punto-per-puntong usapan. Sa lahat ng ayaw ko ay ang conprontasyon. Utang na loob.

Echis: "Mahal mo na ba ako?"
Ako: "Di ko alam."
Echis: "Gusto?"
Ako: "Oo, medyo."  
Echis: "Yun naman pala, ano ba pumipigil sayo? Tinanong na kita kanina. Bakit ayaw mo parin?"
Ako: "Pwede next week na lang?"
Echis: "Ano? Bakit next week? Bat di pa ngayon?"
Ako: "Basta, next week na lang?"
Echis: "Ano ba ang meron ngayon? Bakit ayaw mo?"
Ako: *nag-isip ng taimtim. "Walang magic ngayon."
Echis: "Magic?"
Ako: "Basta magic. Walang magic. Mararamdaman mo na lang yun. Walang maganda ngayon. Next week na lang."
Echis: "Magic? Hmm. Teka lang, 5mins."  *At saka sya bumaba, naglaho ng parang bula. Kahit wag ka na lang kaya bumalik?

Pero bumalik sya, hapung-hapo, dala dala ang maliit na deck ng cards sabay tago sa bulsa ang plastic ng mini stop. Nagshuffle sya ng card, pinapili ako ng isa at pinatandaan , saka binalik sa kanya. ACE OF HEARTS!


Nagshuffle ulit ng card. Nag-iba na din ang takbo ng tyan ko. Pinagpawisan ng malamig. 
Pumili sya ng 3 cards, inilapag ng patalikod sa mesa at ihiniwalay ang ibang cards. Isa-isa niyang ipapakita sa akin ang cards, saka ko sabihin kung nandun ang napili kong card. Saka ko inisip na masyado nang tumatagal ang kahibangan na ito.


Unang card. "Ito ba?" "Hindi."
Pangalawang card. "Eh ito?" *Umiling lang ako.
Pangatlong card. "Oh, ito?" "Wala sa mga yan." <Welcome to Loserville!>


Wildcard try. Piangsamasama nya ang 3 kong piniling cards, at nag-shuffle, saka hinugot ang isang card.


"Sure ka? Check mo nga ulit, baka ito?"
ACE OF HEARTS. Hand-written na nakalagay ang I <3 U sa gitna. Sumisigaw. In my peys. I love you daw?

Holy cherry pie! Sa sandaling yun, na-bano ang bano kong alter-ego, at bumalik sa sweatpores ko ang mga pawis na nailabas ko, at kumalma ang adrenaline rush ko.


"Ayan na ang magic. Pwede na ba'ng magsimula ang 'tayo'?"
"Oo."


***


Ganito ko nakilala ang karma ko, ang katapat ko. Ganito ko nilunok ang mga panunumpa ko. Ganito ko sinugal ang lahat ng karanasan ko, ang tapang ko, ang puso kong limestone. Sinasabi nila charge to experience, madala ka na sa umpisa, pero kapag nahanap mo na ang taong hindi mo inaasahang makilala mo, o magiging espesyal sayo, o mahumaling sayo , malamang, kakainin mo din lahat ng mga sinabi mo o panunumpa mo.

Maniwala kayo o hindi, matagal akong nag-contemplate kung bakit ko ba sinagot si Echis, kung naaliw lang ako masyado sa niliteral nyang magic o dahil natuwa na din ako at baka, baka sakali lang, sana, 'tong unggoy na to, panghabang-buhay na kasama ko.


***


And one princess finally meets her prince, in a Chimpanzee form.




INNERPEACEY'ALL!v(-_-)v




No comments: